Pagsisisi ng Isang Bilanggo - Page 2 of 3

ni Cirio H. Panganiban

(Sabayang Pagbigkas)

Ang lahat ng hilig nitong katawan ko'y
para ring masama... Ako'y natutong
manloob, magnakaw, mangharang ng tao,
magsugal, magsabong, maglasing, maglilo,
hanggang sa ang aking palad ay nagtungo
sa isang kulungan... Nabilanggo ako!
O! aking magulang!... Bakit akong ito'y
inyong pinalaking layaw na totoo?

Magbuhat sa aking tahanang madilim,
dini sa kulungan ng mga salarin,
kayo, magulang kong payapa sa libing
ang tinatawagan ng lunos kong daing;
maanong kung kayo'y muling magigising
ay ikalat ninyo ang isang tuntuning
Ang anak ay hindi dapat palayawin,
at gayon ding hindi sa mali'y lingapin.

Tinatawagan din kayo, mga anak,
nitong kaluluwang nasa paghihirap.
Kayo'y huwag nawang sa layaw humanap
ng ikaanyo ng inyo ring palad.
Ang laki sa layaw ay hubad na hubad
sa magandang kuro'y sa dakilang hangad.
Yaong sa magulang na maling paglingap
sa pagkabusabos at pagkapahamak.

Magulang, ang anak upang dumakila'y
huwag palayawin mula pagkabata,
pagkat ang lumaking sa layaw alaga
ay halamang hindi magbubungang kusa.
Anak, magulang mo ay hindi Bathalang
ang bawat ibigay ay isang biyaya;
ang maling paglingap nila'y wala pala
kung hindi ka mandin malunos sa luha.

Learn this Filipino word:

pinagbigyán