Alamat ng Tinagong Dagat - Page 5 of 9

ni Sol Doronila Penuela

(Ang Interpretasyon)

(Iwawalsik ng ama ang kamay ni Agat. Dadaluhungin niya si Nagong. Papagitnang nakaharap sa ama si Agat. Magmamakaawang lubayan niya si Nagong.)

Ama: At ikaw lalaki/ simula sa araw na ito/

di ko na gustong makita ang pagmumukha mo sa pook na ito///

Naririnig mo?// Naririnig mo?// At ikaw babae…

(Marahas na hihilahin si Agat palayo kay Nagong. Bantulot na sumunod si Agat na lumilingon kay Nagong. Magpapakita ng ekspresyong matinding pagpaparaya si Nagong.)

Agat: Ahh! Nagong// Huwag!// Nagong!//

(Masasaktan. Ang bigkas ng dayalogo ay sa pagitan ng mga hikbi. Hihilahin ng ama, madadapa-hihilahin uli. Ekspresyon pa rin ng kabiguan ang ipakikita ni Nagong. Lalabas sa entablado ang mag-ama. Nakatungo ang ulo ng koro. Nakatikom ang kamao. Pupwesto na pabilog ang nasa harapan at luluhod para magmukhang bilangguan ang anyo ng pormasyon.)

Ama: Diyan ka!// Sa iyong pagsuway sa akin//

Ika'y ibibilanggo ko ngayon din//

Iyan// Iyan// ang lagi mong pakaiisipin//

Suwail na anak/ iyan ang bagay sa iyo///

(Galit na bubuksan ng ama ang bilangguan sa pamamagitan ng paghila paharap ng isang tauhan sa koro. Marahas na ipapasok si Agat. Susubsob si Agat. Isasara ng ama ang pintuan.)

Agat: Malupit ka Ama ko!//

Malupit ka Ama ko!//

(Hahagulgol ng iyak. Kakapit sa likod ng Korong parang rehas ng bilangguan at unti-unting tatayo, sustenado ang ekspresyon at emosyon. Ang ama ay titigil sa paghakbang palayo kay Agat. Makokonsyensya subalit mananaig ang galit. Lalabas siya ng entablado.)

Koro: Pinaghiwalay man pagkakataon//

Si Agat at Nagong ng hapong yaon//

Sa kanilang puso ay lalong umusbong/

ang pag-ibig… ang pag-ibig…

(Iaayon sa mga linya ang ekspresyon. Malayang makalilikha ng kumpas ng mga kamay.)

Soloista 6: Panginoon bakit nagkagayon?

(Ikukumpas nang paitaas ang kanang kamay. Titingala sa langit at dahan-dahang ibababa ang kanang kamay.)

Koro: Panginoon bakit nagkagayon?

(Susundin ng koro ang ekspresyon ng soloista 6.)

Soloista 7: Ngunit ang pag-ibig kung talagang tapat//

Ito'y di kayang harangan ng sibat///

Kamatayan ma'y susuungin ng lahat//

Kung ng puso'y sumasamba ng tapat.

Soloista 8: Madilim na landas ang tinalunton ni Nagong//

Pangalan ni Agat tinatawag, pinopoon///

O Agat/ aking Agat// saan ka man naroroon//

Kailangan kita, O Panginoon!//

(Pupwesto sa kanang harapan ng entablado. Nakatingala, humihingi ng tulong sa Diyos. Sa katapusang dalawang linya titingin sa malayo. Malungkot na nag-iisip.)

Soloista 9: Isang hapon noon sa pook na kanilang tagpuan//

Naghihintay si Nagong sa giliw na kasintahan/

Lubog na ang araw/ latag na ang karimlan.

Ngunit wala si Agat, ng mata'y di masilayan//

Learn this Filipino word:

may utak