Ang Unang Hari ng Bembaran - Page 2 of 6

(Alamat ng Maguindanao)

Pagkatapos ng isang buwan paglalayag, nakakita sila, isang madaling araw, ng dalawang mangingisdang nag-aaway.  Nang halos magpang-abot na ang dalawa, nangagsidating ang mga lalaki sa Bembaran at sumigaw si Diwatandaw Gibon, Hinto! Kung kayo’y maglalaban, masasaktan kayo o mamamatay at magdurusa anuman ang mangyari.  Isipan ninyo ang inyong mga pamilya! Huminto sa pag-aaway ang dalawa at tinanong ng hari kung saan sila nakatira.  Sumagot ang isa sa kanila, Dato, ako’y taga-Minango ‘aw.  Nang marinig nila ito, nagalak ang pangkat sapagkat natapos na ang kanilang paghahanap.

Inutusan ng Ayonan ang mga mangingisda na lumipat sa kanilang bangka upang patnubayan sila sa pagpunta sa kanyang lugar.  Sa paglalakbay pinagtatanong nila ang mangingisda na kanya naming sinagot sa kanilang kasiyahan.  Noong papalapit na sila sa bukana ng look, nakiusap ang mangingisda na magpauna sa kanila sa kanyang sariling bangka upang ipagbigay-alam sa kanyang hari ang kanilang pagdating at ibalita sa kanya na sila’y mga kaibigan, at hindi mga pirata.  Pagkalunsad nito, dali-dali siyang nagtuloy sa torogan ibinalita sa Ayonan ang tungkol sa mga panauhin.  Tinipon ng hari ang kanyang mga nasasakupan at napagkasunduan nilang salubungin ang mga panauhin sa dalampasigan.

Naghanda ng isang malaking piging ang hari ng Minango’aw para sa kanyang mga panauhin.  Nag-handa ang mga babae ng masasarap na pagkain. Pagkakain ng mga panauhin ay inaliw nila sa pamamagitan ng sayaw kolintang, sagayan at ang lahat ng uri ng paligsahan sa pag-wait o sak’ba.  Nang matapos na ang lahat ng uri ng palaro, tumayo at nangusap ang tagapag-salita ng hari at tinanong ang mga panauhin kung bakit sila nakarating sa Minango’aw.  Ang kinatawan ng Diwatandaw Gibon ay tumayo.  Sinabi niya na dinala nila ang kanilang batang hari at magalang na ipinakilala.  Pagkatapos ay nalaman ng mga tao na ang sadya ng mga panauhin ay upang pakasalan ng Ayonan ang kanilang prinsesa.

Tinanggap ang handog at ang paghahanda ay nagsimula.  Napakasaya ni Diwatandaw at ang kasal ay ginanap sa gitna ng kasayahan at labis na pagpipiyesta.

Namalagi si Diwatandaw Gibon sa Minango’aw ng limang taon at sa panahong ito’y nanganak ng dalawang lalaki ang kanyang kabiyak.  Hinandugan siya ng kanyang biyenan ng korona nito at kapangyarihan.  Sa buong panahong naturan, hindi niya dinalaw ang Bembaran at ngayon siya’y puno ng malakas na pag-asam at pananabik na makabalik sa kanyang lupain.  Nilapitan niya ang kanyang biyenan at nagsabi: Aking biyenan, kung pahihintulutan ninyo, nais kong makabalik sa Bembaran.  Ibig kong makita kahit ang damo ng pook na aking sinilangan.

Tumango si Minangondaya Linog.  Tama ka. Humayo ka.  Pagkatapos ay tinawagan niya ang kanyang dalawang apo, inakbayan ang bawat isa at sinabi sa nakatatanda:  Ikaw ay si Tominaman sa Rogong.  Balang araw pupunta ka sa Bembaran, ang lugar ng iyong ama.  Katungkulan mong paunlarin ang lugar at pasayahin ang mga tao ng Bembaran.  Bumaling sa nakababata at sinabi:  Ikaw ay si Mangondaya Boyisan.  Bilang bunso dapat mong tulungan ang iyong kapatid sa pagpapaunlad ng Bembaran at Minango’aw.  Humanda ka sa pagtulong at pagtatanggol sa mga tao sa dalawang lugar na ito.

Learn this Filipino word:

matá-pobre