Tulalang

(Epiko ng Manobo)

Ito ang epiko ng mga Manobo na nagsasalaysay tungkol sa buhay ni Tulalang.  Siya ang panganay na anak ng isang mag-asawang mahirap.

Isang araw ay nasa gubat si Tulalang at nangunguha ng ubod ng rattan na kanilang pagkain.  Nakakita siya ng isang matanda na naaawa pala sa kanilang magkakapatid.  Lumapit sa kaniya ang matanda at ang wika: Huwag kang mag-alala sa inyong pagkain, Tulalang.  Simula ngayon ay hindi na kayo magugutom.  Anuman ang naisin ninyo ay mapapasainyo.  Simula noon, ang magkakapatid ay nanagana sa pagkain.

Sa kabila ng kanilang kasaganaan ay nanatili pa rin silang masisipag.  Umunlad ang kanilang kabuhayan at ito ay nabantog sa buong kapuluan.  Maraming mga tao sa iba’t ibang tribu ang nagtungo sa kanilang tahanan upang pumailalim sa kanilang kapangyarihan.

Pagkalipas ng maraming taon, ipinasya ng magkakapatid na manirahan sa torohan o palasyo.  Ang palasyo ay napakalawak at ang trono ay napapalamutian ng mga ginto, pilak at iba pang mamahaling bato.  Walang tigil ang mga alipin sa pagtugtog ng magagandang musika, kaya ang mga naninirahan sa paligid ng palasyo ay naaaliw rin.

Si Tulalang ay isang binatang matangkad, payat, may maitim na mga ngipin at mahabang buhok.  Siya ay may sinturong isang damak lamang ngunit naipupulupot niya ng pitong ulit sa kanyang baywang.  Puting-puti ang kanyang damit na may mahabang manggas at ang pantalon niya ay hanggang tuhod lamang.  Ang kanyang mga daliri ay nagkikislapan sa mga gintong singsing.  May balaraw sa baywang at may pulang turban sa ulo na ginagamit sa paligid.  Siya ay laging nakayapak lamang.

Ang magkakapatid ay may kani-kaniyang silid sa palasyo maliban sa kaisa-isang kapatid na babae na inilagay sa pinakamalalim na bahagi ng pitong patong na basket na nakabitin sa loob ng silid ni Tulalang.  Siya ay hiyas ng magkakapatid na dapat ingatan.  Ngunit ang dalaga ay may kapangyarihang mag-anyong iba’t-ibang hugis na naisin niya.  Siya ay gadaliri lamang habang nasa loob ng basket.  Siya ay nananatili sa loob ng basket kung wala siyang ginagawa.

Ang kapatid nilang babae ay nagtatanim ng mahiwagang rosas tuwing umaga at bago tumanghali ay namumulaklak ito.  Kapag nalanta agad ang mga bulaklak na rosas ay nagbabalang may darating na kaaway sa kanilang kaharian.  Isang araw ay biglang nalanta ang bulaklak na rosas.  Dumating si Agio at sinalakay ang Kulaman, ang kanilang kaharian.  Hindi man lamang nabahala o natakot si Tulalang at ipinagpatuloy ang kanyang ginagawa.

Hinamon ng mayabang na heneral si Tulalang.  Isa sa kanyang mga singsing ang nagsalita at pinayuhang labanan ang kaaway.  Inalis niya sa daliri ang singsing at inutusan ito na labanan ang mga kaaway.  Sa isang iglap ay naging sundalo ang singsing.  Lumaban ito at maraming napatay na mga kaaway,  Nakita ito ni Agio at ibinunyag niya na ang sundalo ay isa lamang singsing.  Kaagad nilang pinaghahampas ng sibat ang sundalo kaya huminto ito at naging singsing na muli.

Muling hinamon ng mayabang na heneral si Tulalang.  Inutusan ni Tulalang ang kanyang balaraw na makipaglaban.  Ito ay naging sundalo at muli na namang pumuksa ng mga kaaway.  Ibinunyag na naman ni Agio na ang sundalo ay isang balaraw lamang.  Hinawakan niya sa leeg ang balaraw na naging sundalo, at ito ay bumalik sa dating anyo, ang leeg ang naging hawakan ng balaraw.

Learn this Filipino word:

pamatíd-uhaw