Awit ng Manlalakbay

ni Dr. José Rizal

(Tagalog version of “El Canto del Viajero”)

Tuyong dahong lumilipad sa kung saang hindi alam,
Sinisiklot dito’t doon ng bugso ng biglang ulan;
Ganyan dito sa daigdig ang buhay ng maglalakbay,
Ni patnubay, sigla… wala; at wala ring sinta’t bayan.

Kahit saan, kapalara’y mapilit na hinahanap,
Yaon nama’y lumalayong buong bilis, tumatakas…
Ang aninong mapagkunwa, sa nasa’y may panghahamak;
Dahil dito, maglalakbay – natataboy nga sa dagat.

Sa udyok ng tanging kamay na di naman nakikita,
Ginagawa’y maglagalag sa lupaing iba’t iba;
Siya’y walang kaulayaw kundi mga alaala
Ng katotong mga mahal at araw na maligaya.

Sa may ilang, isang libing ang kaypala’y matagpuan,
Na ampunang sakdal-tamis, lipos ng kapayapaan;
Limot na ng sintang lupa’t gayon din ng daigdigan.
Mamahinga nawa siya matapos na mahirapan!

Sa lungkuting maglalakbay, sila’y pawang naiinggit
Kapag siya ay matuling bumabagtas sa daigdig;
Hindi nila nalalamang sa kalul’wang walang imik,
Mayro’n doong isang guwang; kulang dito ay pag-ibig.

Magbabalik ang lagalag sa kaniyang sintang lupa,
At marahil sa kaniyang tahanan ma’y muwing kusa;
Magtatagpo niya roon, kahit saan: bubog, giba,
Nangasayang na pag-ibig, mga libing… Wala na nga!

Lumakad ka, maglalakbay; ituloy ang iyong landas.
Tagaibang-lupa ikaw sa bayan mong kapuspalad.
Bayaan mong tanang iba ay umawit ng pagliyag,
At iba pa’y mangalugod; bumalik ka sa pagtulak.

Maglalakbay, lumakad ka; h’wag lilingon kaunti man.
Walang luhang sumusunod sa pagbanggit ng paalam.
Maglalakbay, lumakad ka; lunurin mong kahirapan.
Nanlilibak ang daigdig sa ibang may kahapisan!

Learn this Filipino word:

hanap sa tubig