Ang Kinaligpitan Ko - Page 3 of 4

ni Dr. José Rizal

(Tagalog version of “Mi Retiro”)

Yaong pananalig na ibig ko sanang makitang kumislap
Sa dakilang araw ng pangingibabaw ng Isip sa lakas;
Kung makalipas na itong kamataya’t labanang marahas,
Ay may ibang tinig, na lalong masigla at puspos ng galak,
Na siyang aawit ng pananagumpay ng matwid, sa lahat.

Aking natatanaw na kulay-rosas na ang magandang langit,
Gaya noong aking bukuin sa hagap ang una kong nais;
May halik sa noo ang dampi ng dating simoy na may awit,
Nararamdaman ko ang dati ring apoy na nagpapainit
Sa tinataglay kong dugong kabataang magulo ang isip.

Ang nilalanghap kong mga simoy dito’y nagdaan marahil
Sa mga ilugan at sa mga bukid niyong bayan namin;
Sa pagbalik nila ay kanila sanang ihatid sa akin
Ang buntong-hininga ng minamahal kong malayo sa piling,
Pahatid na mula sa pinagsanglaan ng unang paggiliw.

Kung aking mamasdan sa abuhing langit ang buwang marilag,
Nararamdaman kong ang sugat ng puso’y muling nagnanaknak;
Naaalalaa ang sumpaan naming kami’y magtatapat,
Ang dalampasigan, ang bukid at saka arkong may bulaklak,
Ang buntong-hininga, ang pananahimik at ang piping galak.

Isang paru-parong hanap ay bulaklak at saka liwanag,
Malalayong bayan ang lagi nang laman ng kanyang pangarap;
Musmos na musmos pa, tahana’y nilisa’t ako ay lumayag,
Upang maglimayon, na ang diwa’y laya at walang bagabag –
Ganyan ko ginugol ang mga pili kong panahon at oras.

At nang mapilitang ako ay bumalik sa dating tahanan,
Kagaya ng isang ibong nanghina na sa kapanahunan,
May nagbangong sigwang malakas, mabangis na parang halimaw,
Ang mga pakpak ko’y nagkabali-bali’t tahana’y pumanaw,
Ang aking tiwala’y ipinagkanulo’t lahat na’y nagunaw.

Sa pagkakatapong malayo sa bayang pinakaiibig,
Ang hinaharap ko’y madilim na lubha’t walang tatangkilik,
Pamuli na namang susungaw ang aking mga panaginip,
Tanging kayamanan ng kabuhayan kong sagana sa hapis;
Mga pananalig niyong kabataang matapat, malinis.

Learn this Filipino word:

lakad-pagóng