Ang Kinaligpitan Ko - Page 2 of 4

ni Dr. José Rizal

(Tagalog version of “Mi Retiro”)

Isinasalaysay ang ayos ng mundo nang unang sumikat
Ang araw sa langit, at sila’y laruin ng kanyang liwanag;
Nang mula sa wala’y dami ng kinapal ang biglang kumalat
Sa kailaliman, at sa kapatagan, magpahanggang gubat,
Sa lahat ng dako na abot ng halik ng mayamang sinag.

Ngunit kung sa gabi’y magising ang hanging malikot, mailap,
At ang mga alon, sa galit na dala’y susugod, lulundag,
Mayrong mga sigaw na sa aking puso’y nagbibigay-sindak,
Mga tinig waring nagsisipagdasal o nagsisiiyak,
Nagsisipanaghoy sa kailalimang kadilima’y ganap.

At saka ugong ang marahang taghoy na mula sa bundok,
Mga punungkahoy at ang mga damo’y nagsisipangatog,
Pati mga pastol at nababalisa’t pawang mga takot,
Sapagkat anila, ang mga kalulwa’y noon sumisipot,
At nag-aanyayang sa kanilang handa ay dumulog.

Gabi’y bumubulong sa gitna ng sindak at pagkaligalig,
At sa dagat nama’y bughaw’t lunting apoy ang pasilip-silip;
Pagngiti ng araw’y payapa na naman ang buong paligid,
At mula sa laot, yaong mangingisda ay napagigilid,
Sugod na ang lunday at ang mga alon ay nananahimik.

Ganyan ang buhay ko sa aking payapa’t ligpit na tahanan;
Sa mundong nang dati ay kilala ako, ako’y pinapanaw,
Nasapit kong palad, sa ngayon ay aking binubulay-bulay;
Bahaging limot na ay sa lumot namang papawiin lamang
Upang maikubli ang mundong akin na, sa sangkatauhan.

Dahil sa naiwang mga minamahal, ako’y nangangamba,
Mga ngalan nila’y di ko nalilimot sa laot ng sigwa;
May nangagsilayo, at mayroon namang nangagsipanaw na;
Ngunit sa lumipas kung ako’y magbalik, lahat ay iisa,
Iyang lumipas kong hindi mapapaknit kahit agawin pa.

Kaibigan iyang sa lahat ng oras ay aking kapiling,
Sa gitna ng lumbay ay nagpapasigla sa diwa’t damdamin;
Sa gabing tahimik, siya’y nagtatanod at nananalangin,
Kasama-sama ko sa pagkakatapong malungkot isipin,
Upang kung manlamig ang pananalig ko ay papag-alabin.

Learn this Filipino word:

kabungguang-balikat