Kay Kiko

(Tumbalik ng “Kay Celia”)

Tula ni Fructuoso del Rosario

Ang pagsaulan kong basahin sa diwa
Ang nangakaraang panahong dakila,
May mahahagilap kaya sa gunita
Liban na kay Kikong giliw kong makata?

Yaong Kikong laging ipinanganganib
Na baka lumimot sa dating pag-ibig,
Ang ikinalubog ng palad kong amis
Sa lubhang malalim na mga pasakit.

Makaligtaan ko kayang di tunghayan
Nagdaang panahon ng aming suyuan,
kaniyang pagsintang sa aki’y nalaan
At pinuhunan kong luha’t pagdaramdam?

Lumipas ang araw na lubhang masarap
At walang natira kundi ang pagliyag,
Lalagi sa dibdib ang pagsuyong tapat,
Hanggang sa libingan bangkay ko’y malagak.

Ngayon nag-iisa’t namamanglaw ako,
Pang-aliw sa hirap na ginagawa ko,
Nagdaang panaho’y isinasaulo’t
Ninitang ginhawa ang puso sa iyo.

Pinsel ng pagsinta ang siyang nagguhit
Ng suyuan natin sa puso ko’t isip,
Nag-iisang sanglang naiwan sa dibdib,
Na di mananakaw magpahanggang langit.

Ang kaluluwa ko’y madalaw paroon
Sa niyapakan mong lansangan at nayon,
Sa ilog Beata at Ilog Kahilom,
Yaring aking puso’y laging nagsusumbong.

Di mamakailang yaring alaala
Ay mupo sa lilim ng puno ng mangga.
Sa ibig pitasing nangagbiting bunga
Ay inaaliw ko ang ulilang sinta.

Ang katauhan ko’y hindi mapalagay
Sa buntong hininga nang ikaw’y may damdam,
Himutok ko noo’y inaaring buhay,
Ang may-tulong silid ay luwalhati naman.

Hinahanap kita, makata kong liyag
Sa Makating Ilog ng ating lumipas,
Doon sa doonga’y aking binabakas
Yapak ng paa mo sa batong matigas.

Nagbabalik mandi’t parang nadarama
Dito ang panahong yumaong masaya,
Na kung maliligo’y sa tubig uuna
Nang ang tabsing-dagat ay di mo makuha.

Parang naririnig ang laging wika mong
Tatlong araw na di nakikita ako,

At puspos ng galak na sinasagot kong


Ang tao’y maraming tungkulin sa mundo.

Ano pa nga’t walang di napapanimdim
Ang kalooban ko sa tuwang nagmaliw,
Sa kagugunita luha ay gigitiw,
Sabay ng taghoy kong Oh, sawing paggiliw!

Nasaan si Kikong ligaya ng buhay,
Bakit di lumawig ang aming suyuan?
Nahan ang panahong titig niya lamang
Ay ligaya ko nang walang katapusan?

Bakit baga noong kami’y magkalayo
Ay di pa naluray yaring abang puso?
Kung gunitain ka’y kamatayang lalo,
Sa buhay ko’y di ka magmamaliw, Kiko.

Itong di maatim na paghihinagpis
Ng dahil sa iyo, oh, nalayong langit,
Ang siyang umakay na ako’y umawit,
Tulain ang aking naabang pag-ibig.

Ito’y unang bukal ng isip kong dahop
Na sa iyong yapak ay inihahandog,
Tanggapin mo nawa, makata kong irog,
Taimtim sa puso ang pagkakaloob.

Ikaw na makata ng aking pagkasi,
Kikong sagisag mo’y ang F. at B.,
Sa magandang palad ikaw’y manatili
At huwag limutin si M.A.R.

-- CELIA

Learn this Filipino word:

buwanin / bubuwanín