Buhay

Tula ni

Amado V. Hernandez

Ang mundo ay lipos
ng kababalaghan,
ang buhay ay ilog na galing kung saan,
malayo ang puno kaysa katapusan.

Ang buhay ay tila
isang paru-paro
na ang hinahanap ay sariwang bango,
sa kabanguhan din laging nalalango.

Munting alitaptap
ang nakakahambing,
ilaw na malamlam ang baon sa dilim,
at tinatanglawan ang sariling libing.

Wari’y saranggolang
pagkatayug-tayog,
ngunit sa bahagyang tantang ay sumubsob
at sa pusalian tuluyang nahulog.

Kawangis ng ulap,
pumantay sa langit,
subalit ang hangin nang biglang umihip,
ulang bumabagsak sa bundok at batis.

Isang bulalakaw
na tila tala rin,
sa kinalagpaka’y nang aking hanapin,
ay pangit na batong sing-itim ng uling.

Habang nagsisikap
at nag-aadhika,
dahil sa pangarap na ligaya’t tuwa,
lalong sinisiil ng pagdaralita.

Ang bawat maganda’y
dagling nagwawakas,
kaya mamaghapon lamang ang bulaklak,
kaya ang bitui’y iisang magdamag.

Ang buhay ay sadyang
malalim na bugtong,
kung saan ka mula’y ipinagtatanong
at di mo rin alam kung saan paparon.

Dakila ang buhay
na parang bulaklak,
bangong sa maghapo’y nasamyo ng lahat,
at pinaligaya bawat nakalanghap.

Learn this Filipino word:

dagok ng kapalaran