Ang Mangga at ang Bakawan

Tula ni Emilio Mar. Antonio

Sa libis ng isang mababaw na ilog,
May mga bakawang pahanay ang ayos;
Sa kabilang pampang nama’y nakatanod
Ang puno ng manggang malago’t matayog;
At sa kanyang sangang nangaglaylay halos,
Daho’y dumidila sa matuling agos.

Minsan ay napansin ng manggang malabay
Na nangagtutukod ang mga bakawan;
Bahagi ng puno’y di nangasasayang
Pagka’t pati sanga ay sinusuhayan;
Ito namang manggang palalo’t mayabang,
Sa pagmamalaki’y ito ang tinuran:

Hoy, mga kasamang loob ay mahina,

Ano’t tila kayo’y nangababahala?


Gayong walang hangi’t panaho’y payapa,


Tukod na nang tukod. Kayo ba’y may sira?

Sagot ng bakawan: Mabuti na yata

Ang handang parati’t nagkakamit-pala.

Umismid ang mangga’t ang wika marahil,
Mga ugat niya’y hindi masusupil;
Ngunit nang dumatal doon sa pampangin
Ang dahas ng isang bagyong umaangil,
Ang manggang matibay kung ating malasin,
Ay agad nabuwal sa lakas ng hangin.

Ngayon, ang bakawa’y marahang nagsulit:
Kaibigang mangga, hayan ang nasapit –

Sa taas ng iyong mga panaginip.


Buong katawan mo’y nalublob sa putik;


Kaya alamin mong ang hampas ng langit,


Ay nasa gaya mong may palalong isip.

Nalalaman natin ang mga halaman at hayop ay hindi nakapagsasalitang paris ng tao; gayun pa man, sa tayog at yaman ng ating isipan, ay nagagawa nating papagsalitain ang mga ito na parang tunay na tao. Mahuhulaan kaya ninyo ang dahilan?

Learn this Filipino word:

ibig na ayaw