Ang Buod - Page 2 of 3

ng “Florante at Laura”

Nakasagupa nina Florante ang mga kalaban; limang oras na naglaban sina Florante at Osmalik.  Hindi nagtagal, bangkay na itinanghal ang ganid na Persiyano.  Nanatili pa ng limang buwan si Florante sa Krotona.  Labis siyang nanabik kay Laura kaya't nagdumaling bumalik sa Albanya.  Sa kanyang pagdating, ikinagulat niya ng husto nang makitang bandila na ng mga Moro ang nagwawagayway sa kaharian ng Albanya.  Pinatigil niya agad sa paanan ng isang bundok ang kanyang hukbo.  Nakita niya dito ang isang babaeng pupugutan na lamang ng ulo ng mga kalaban.  Kanyang mabilis na sinagip ang inuusig.  Anong laking pagkamangha nang makita ng lahat ang babae: si Laura!  Nagsipagtakbuhan ang hukbo ng kalaban, napinamumunuan pala ni Aladin.  Nabawi ang palasyo nina Floranate at nailigtas ang mga ibinilanggo : sina Haring Linseo, Duke Briseo at Adolfo.  

Hindi pa halos natatahimik ang kaharian ng Albanya ay may isang hukbo na naman ang sumalakay; ito ay ang hukbong pinamumunuan ni Miramolin.  Sa madugong paglalaban ay nagapi nina Florante ang mga kalaban.  Nguni't may sunod-sunod pang mga hukbo ang nagtangkang sumalakay sa kaharian.  Labimpito silang lahat; at lahat din sila ay pawang natalo ni Florante!

Habang nasa Etolya si Florante, nakatanggap siya ng sulat buhat sa monarka ng Albanya na nagsasabing madaling magbalik sa Albanya.  Nabigla si Florante pagdating niya.  Tatlumpung libong sandatahan ang dumakip sa kanya at dali-daling ipiniit siya sa bilangguan.  Hindi niya alam na sa mga pakana ni Adolfo ay napatay pala nito ang mahal na hari maging ang Duke Briseo at ito ang siyang umagaw sa trono.  Ikinulong si Florante nang labing-tatlong araw; pagkatapos ay ipinag-utos na igapos siya sa gitna ng kasindak-sindak na gubat upang doon ay masila ng mababangis na hayop.  Magdadalawang araw na siya sa gubat na iyon.

Isinalaysay naman ni Aladin ang kanyang mga karanasan.  Siya ang anak ng balitang Sultan Ali-adab.  Napadpad siya sa gubat dahil sa matinding sama ng loob sa kanyang ama.  Ang kanyang kasintahang si Flerida ay ninasang agawin sa kanya ng sariling ama.  Sa tindi ng pagnanasa ng sultan, naghanap ito ng dahilan upang masarili ang dalaga.  Sa pamamagitan ng pagsisiyasat, natuklasan nitong nagpunta sa Persya si Aladin at iniwan ang kanyang hukbo sa Albanya.  Kaya nang maagaw ni Florante ang Albanya at matuklasan niyong si Aladin ay umurong sa labanan, ipinalagay ni Sultan Ali-adab na iyon ay isang pagkamakasalanan, at hinatulang pugutan ng ulo ang sariling anak.  Nguni't nang gabi ding iyon, tumanggap si Aladin ng isang mensahe na siya ay ipinatatapon sa ibang lupa.  Ang bilin ay huwag na siyang babalik sa Persya kung nais pa niyang mabuhay.  Ang paglilibot niya ay may anim na taon na ngayon.

Habang nagku-kwentuhan sina Florante at Aladin, nadinig nila ang pag-uusap ng dalawang tao.  Ang isa ay nagsasalaysay kung paano nalaman nitong ipapapatay ang kasintahan nitong nasa bilangguan.  Dahil dito pumayag itong makasal sa hari.  Pinawalan naman ang kasintahang nabibilanggo.  Noong gabing iyon ay tumakas ito sa pagbabalatkayo bilang isang gerera.  Madaming taon na ito ngayong naglalagalag, haggang sa magkita ang dalawa sa pook na ito.  Samantala, dahan-dahang nilapitan nina Florante at Aladin ang nagsisipag-usap.  Anong laking tuwa nang makita nilang ang nagsisipag-usap ay walang iba kundi sina Laura at Flerida!

Learn this Filipino word:

magaán ang bibíg