Ang Buod

ng “Florante at Laura”

Sa gitna ng isang malawak na gubat sa labas ng kaharian ng Albanya na nababagtas ng ilog Kositong makamandag ang tubig, ay nakagapos ang isang kaawa-awang tao sa isang puno ng Higera.  Siya si Florante, anak nina Duke Briseo at Prinsesa Floresca.  Unti-unting pinapanawan ng buhay si Florante dahil ang gubat ay sadyang nakakatakot.  Mga mababangis na hayop ang gumagala dito, ang huni ng mga ibon ay nakakalunos at ang malalaking punongkahoy ay tunay na nakakasindak.

Sa isang di sinasadyang pagkakataon, napapunta ang isang Persyanong Moro sa dakong kinalalagyan ni Florante.  Ito ay si Aladin, anak ni Sultan Ali-adab, na nagpaka-layu-layo sa sariling bayan dahil sa sama ng loob sa ginawang pang-aagaw ng ama sa kanyang kasintahang si Flerida.  Nadinig lahat ni Aladin ang mga panaghoy ni Florante tungkol sa kanyang mga kahirapan at siya ay lubos na naawa.  Tinunton niya ang pinanggagalingan ng tinig at nakita ang dalawang leong naka-akmang pumaslang kay Florante.  Mabilis na pinaslang ni Aladin ang mga leon.  Kinalagan niya ang gapos ni Florante at pinagpilitang pahimasmasan siya.  Yayamang dumidilim na noon, dinala ni Aladin si Florante sa may dakong pinasukan nito sa gubat at doon ay magdamag siyang binabantayan.  Kinabukasan ay nagkakuwentuhan silang dalawa.

Nagkwento si Florante ng kanyang naging buhay.  Kinakitaan daw siya, mula nang pagkabata, ng mga katangiang pangmaharlika; isinalaysay niya kung paano muntik nang madagit siya ng isang buwitre kung hindi lamang napana ito ng kanyang pinsang si Menalipo, na taga-Epiro; binanggit din niya ang paghatid ng isang ibong arkon sa kanyang dibdib ng isang kupidong diyamante.  Ipinadala siya sa Atenas upang doon ay mag-aral.  Dito ay nadatnan niya si Adolfo, anak ng Konde Sileno na taga-Albanya din, na hinahangaan ng mga guro at mga kamag-aral dahil sa katalinuhan niya at pagka-uliran sa pagkilos at pananalita.  Labing-isang taong gulang lamang noon si Florante at si Adolfo ay labing-tatlo na; ngunit sa loob ng anim na taong masugid na pag-aaral, nadaig ni Florante si Adolfo sa karunungan at kagalingan.  Hindi naglaon at lumabas ang likas na pagkatao ni Adolfo.  Kinasuklaman niya ang mga tagumpay ni Florante.  Kaya nga sa isang dulang itinanghal, sa halip na sundin ang hinihingi ng papel, tinotohanan niyang saksakin si Florante.  Mabuti na lamang at nailigtas siya ni Menandro, pamangkin ng kanyang gurong si Antenor.  Kinabukasan din ay pinauwi si Adolfo sa Albanya.

Namalagi pa ng isang taon si Florante sa Atenas.  Samantala, nakatanggap siya ng masamang balita mula sa kanyang ama na namatay ang kanyang mahal na ina.  Kahit na siya ay nagdadala ng malaking sama ng loob, hinintay pa niya ang pasiya ng kanyang ama.  Dumating lamang ang isang sulat makatapos ang dalawang buwan na nagsasabing umuwi na si Florante sa Albanya.

Ipinatawag ni Haring Linseo ang Duke Briseo sa Albanya sapagka't ang kaharian ng Krotona ay sinalakay ng hukbo ng Persiyanong Heneral Osmalik.  Sa unang pagkikita ng Haring Linseo kay Florante, itinanong agad nito kung sino si Florante.  Sinabi nitong napanaginipan daw niya ang taong mamumuno sa hukbo ng Albanya laban sa kaaway at ito'y kamukhang-kamukha ni Florante.  Ipinakilala ng Duke ang kanyang anak sa hari.  Nagsipagpulong ang mga pinuno at napagpasiyahang si Florante nga ang magdadala ng hukbo ng Albanya.  Samantala, sa palasyo ay napukaw ang puso ng binata ng magandang anak ng hari, si Laura.  Namalagi ng tatlong araw si Florante sa palasyo; nguni't naging kasintahan lamang niya si Laura pag-alis na niya.  Ito ay nagpabaon ng luhang tanda ng pagmamahal niya sa binata.

Learn this Filipino word:

pinagbigyán